dzme1530.ph

Puganteng Babaeng Chinese na papalabas ng bansa naaresto sa NAIA

Inaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang babaeng Chinese National na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Beijing dahil sa pagkakasangkot sa human trafficking.

Tinukoy ni BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr. ang pugante na si Zheng Yuyu, 39-anyos, na naharang sa NAIA Terminal 2 noong Sabado.

Sinabi ni Manahan na inaresto ng mga miyembro ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI si Zheng bago siya makasakay sa flight ng Philippine Airlines papuntang Kuala Lumpur, Malaysia.

Ang dayuhan ay dinala sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan siya mananatili habang sumasailalim sa deportation proceedings.

Inilagay narin ng BI sa blacklist ang babaeng Chinese upang hindi na ito muling makabalik pa ng Pilipinas. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News

About The Author