dzme1530.ph

Debate para sa Maharlika Investment Fund bill, sinimulan na sa Senado

Umarangkada na sa Senado ang debate kaugnay sa ipinapanukalang pagbuo ng Maharlika Wealth Fund.

Bago ang pagsisimula ng mga interpelasyon, kinuwestyon pa ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang quorum nang mapuna niyang iilang senador na lamang ang natitira sa plenaryo dahil nag-akyatan ang mga mambabatas sa kani-kanilang tanggapan.

Matapos naman ang isang minutong break upang tawagin ang mga senador ay muling nagsagawa ng rollcall at idineklara ang quorum makaraang umabot 16 na miyembro ng mataas na kapulungan ang magsibalik sa plenaryo.

Unang bumusisi sa may-akda ng Senate Bill 2020 na si Sen. Mark Villar ay si Senador Ronald Bato dela Rosa na sumentro ang pagtatanong sa pangangailangan ng pagbuo ng isang Sovereign Wealth Fund.

Sinabi ni Villar na layun nito na ma-maximize ang investment fund ng bansa at maibalik sa gobyerno ang mas malaking kita.

Binigyang-diin naman ni Sen. Grace Poe sa kanyang interpelasyon ang kwalipikasyon at proseso ng pagpili ng board of directors na mamamahala sa pondo.

Ayon kay Villar, ang investment fund ay pamamahalaan ng siyam na board of directors na itatalaga ng Pangulo ng bansa at titiyaking may malawak na karanasan sa Corporate Governance and Administration, investment ng financial assets, at management ng investments sa global at local markets. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author