dzme1530.ph

Hindi pagsunod ng Dermalog sa kontrata nito sa LTO, pinatututukan sa Senado at Kamara

Pinabubusisi ng National Public Transport Coalition sa senado at kamara ang mabagal na aksyon ng Information Technology contractor ng Land Transportation Office (LTO) hinggil sa isyu ng pagpo-proseso ng driver’s license at renewal ng vehicle registration.

Ayon kay NPTC president Ariel Lim, matapos ang 14 na extension at dalawang taon at kalahating pagka-antala, hindi pa naibibigay ng Dermalog nang buo ang Land Transportation Management System (LTMS).

Kahit pa nasa 80% ng P3.4-B kontrata na aniya ang nabayaran na ng LTO.

Iginiit ni Lim na ang mga iregularidad ay nagbubunga ng katiwalian, kung kaya’t dapat aniyang maipaliwanag ng Dermalog kung bakit hindi pa nito nai-dedeliver ang integrated system na para sa LTO.

Nabatid na ayon sa napagkasunduang kontrata aayusin ng Dermalog sa loob ng anim na buwan ang LTMS mula sa delivery date nito noong December 2018.

Tiniyak naman ni LTO chief Jose Art “Jay Art” Tugade, na maparurusahan ang Dermalog, kabilang ang posibleng pagbasura sa kontrata sa pagitan ng LTO at nasabing kontraktor.

About The Author