![]()
Mahalaga ang protina sa ating katawan dahil ito ang tumutulong sa pagbuo at pag-repair ng mga muscle at tissue, pagpapalakas ng immune system, at paggawa ng mga enzyme at hormones.
Dahil dito, marami ang nagdadagdag ng pagkain ng karne, itlog, isda, gatas, at protein supplements sa kanilang diet, lalo na ang mga nag-e-exercise at nagbubuhat ng weights.
Pero babala ng mga eksperto, hindi nangangahulugang mas maganda ang kalusugan kapag mas marami ang protein na kinokonsumo.
Ang sobrang pag-inom o pagkonsumo ng protein, lalo na kung lagpas sa pangangailangan ng katawan, ay maaaring magdagdag ng trabaho sa bato o kidneys dahil sila ang tumutulong sa pagtanggal ng waste products na nabubuo sa pagproseso ng protina.
Kabilang sa mga posibleng epekto ng labis na protein intake ang dehydration, constipation, pagkakaroon ng bad breath, posibleng magpalala ng kidney disease at pagdagdag ng timbang dahil may calories din ang protein.
Maaari ring magkaroon ng hindi balanseng nutrisyon kapag napapalitan ng mga pagkaing mayaman sa protein ang mga prutas, gulay, at whole grains na pinagmumulan naman ng fiber, vitamins, at minerals.
Kaya payo ng mga eksperto, panatilihing balanse ang pagkain, huwag basta-basta magdagdag ng protein powder o supplements nang walang tamang gabay ng doktor o dietitian.
