![]()
Karaniwang ginagamit ang alcohol bilang panlinis at pantanggal ng mikrobyo, kaya may ilang tao na direktang naglalagay nito sa mga sugat.
Gayunpaman, hindi inirerekomenda ng mga health expert ang paggamit ng rubbing alcohol sa bukas na sugat.
Ito ay dahil ang alcohol, partikular ang isopropyl alcohol, ay maaaring makasira hindi lamang ng bacteria kundi pati ng healthy cells at tissues na mahalaga sa paghilom ng sugat.
Mayroon din itong matinding epekto sa balat na maaaring magdulot ng hapdi, iritasyon at pagkasira ng mga tissue sa paligid ng sugat.
Sa halip na alcohol, mas inirerekomenda ang paghuhugas ng maliit na sugat gamit ang malinis na dumadaloy na tubig at banayad na sabon sa paligid nito upang matanggal ang dumi at mikrobyo.
Pagkatapos linisin, maaaring takpan ang sugat gamit ang sterile gauze o malinis na bandage. Makatutulong din ang paglalagay ng manipis na layer ng petroleum jelly upang mapanatiling mamasa-masa ang sugat habang gumagaling.
Paalala naman sa publiko na kung malalim, malaki, marumi o may kasamang pagdurugo ang sugat na hindi matigil, kailangang magpatingin agad sa doktor.
Tandaan, ang alcohol ay maaaring gamitin sa pag-disinfect ng ilang bagay at kagamitan, ngunit hindi ito ang pinakamainam na paraan upang linisin ang bukas na sugat.
