![]()
Iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pangangailangan ng tuloy-tuloy na modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines o AFP at pagpapalakas ng kakayahan nito sa cyberwarfare bilang paghahanda sa patuloy na pagbabago ng mga banta sa seguridad ng bansa.
Binigyang-diin ni Gatchalian na dapat maging handa ang militar sa mga bagong uri ng digmaan, kabilang ang mga cyberattack.
Ginamit na halimbawa ng senador ang mga kasalukuyang sigalot sa Middle East at Eastern Europe, na nagpapakita ng mabilis na pagbabago sa geopolitical situation sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang makakuha ang AFP ng mga makabagong kagamitan at teknolohiyang makatutulong upang mapalakas ang kakayahan nito sa pagtugon sa mga posibleng banta sa cyberspace.
Binigyang-diin din ng Senate President ang dalawang mahalagang tungkulin ng AFP—ang pagtatanggol sa bansa at ang pagtugon sa mga kalamidad, kabilang ang malalakas na bagyo.
Dahil dito, nanawagan ang lider ng Senado para sa pagpapalakas sa multi-role capabilities ng militar upang mas matiyak ang epektibong pagtugon nito sa mga sakuna at iba pang emergency.
Tiniyak naman ni Gatchalian ang kanyang suporta sa pagdaragdag ng kakayahan ng AFP, at binuo ang panawagan na dapat maging tuloy-tuloy ang pamumuhunan sa modernisasyon hanggang makamit ng bansa ang ninanais na kahandaang pangdepensa.
