![]()
NANINIWALA si Senador Panfilo Lacson na maituturing na worst budget sa kasaysayan ang 2024 at 2025 General Appropriations Act na naipasa ng Kongreso matapos ang Development Acceleration Program o DAP sa ilalim ng 2013 GAA na nadeklara rin na unconstitutional ng Korte Suprema.
Sa ruling ng Korte Suprema, nakasaad na nakagawa ng grave abuse of discretion ang Kongreso makaraang palobohin ang unprogrammed funds, kung saan mula sa ₱281.9 billion na nasa National Expenditure Program ay lumobo ito sa ₱731.4 billion.
Ayon kay Lacson, ang pagkakaalam niya, ang posibleng maging resulta ng ruling ng Korte Suprema ay hindi na gagamitin ang natitirang pondong hindi pa nagagastos, habang ang mga nagamit na ay hindi mapapawalang-bisa.
Maganda, aniya, ang timing ng paglabas ng SC ruling dahil nataon ito sa panahon na binubusisi at hinihimay ng Senado ang House version ng 2027 General Appropriations Bill.
Magiging mas maingat, aniya, ang Kongreso sa pagpapasa ng panukalang budget para sa susunod na taon.
Binigyang-diin ni Lacson na hindi siya bahagi ng Senado noong aprubahan ng Kongreso ang 2024 at 2025 budget.
Matatandaang si dating Senador Koko Pimentel ang pangunahing kumuwestiyon noon at nagsabing unconstitutional at maaaring kuwestiyunin sa Korte Suprema ang lumobong unprogrammed funds sa 2024 national budget.
