![]()
KINUMPIRMA ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito na umabot sa P206 billion ang ginalaw ng Kamara sa National Expenditure Program sa inaprubahan nilang General Appropriations Bill.
Sa inisyal anya nilang pag-aaral kapuna-puna ang tapyas at dagdag na ginawa ng Kamara sa panukalang budget ng ilang ahensya at programa.
Tinapyasan anya ng Kamara ng P130 billion ang pondo para sa foreign assisted projects kung saan tatamaan ang Metro Manila Subway Project at ang North South Commuter Railway.
Binawasan din ng P9.5 billion ang calamity fund na para kay Ejercito ay nakakabahala dahil may paparating na very strong El Niño.
Tinapyasan din ng Kamara ng P4.5 billion ang panukalang budget para sa Health Facilities Enhancement Program para sa expansion at pagbili ng medical equipment ng mga ospital ng gobyerno.
Binawasan din ng P4 billion ang panukalang budget para sa immunization program pero dinagdagan ng P23.9 billion ang medical assistance program.
Sa Department of Agriculture naman anya ay napansin nila ang bagong item na Presidential Assistance for Fisherfolks na pinondohan ng P10 billion.
Sa DPWH, tinapyasan ng P2.6 billion ang kanilang pondo para sa right of way pero dinagdagan ng P13 billion ang construction, maintenance, rehabilitation at widening projects.
Dinagdagan ng P8 billion ang flood mitigation structures pero may P4.6 billion na tapyas ang pondo para sa flood mitigation projects sa loob ng major river basins.
Pinuna ni Ejercito ang pagdaragdag ng Kamara sa pondo para sa mga ayuda programs.
