![]()
Ang magnesium glycinate ay isang uri ng supplement na ginagamit upang matugunan ang kakulangan sa magnesium.
Ang magnesium ay isang mineral na mahalaga sa normal na paggana ng nervous system at kalamnan, pag-regulate ng asukal sa dugo, at pagpapanatili ng kalusugan ng mga buto.
Binubuo ito ng magnesium na nakabigkis sa amino acid na glycine. Karaniwang pinipili ang uri ng supplement na ito dahil maaari itong mas madaling tanggapin ng tiyan at mas mababa ang posibilidad na magdulot ng diarrhea kumpara sa iba pang uri ng magnesium.
Ilan sa mga gawain ng magnesium sa katawan ay i-relax ang mga kalamnan, pagpapanatili ng normal na pintig ng puso, at paggawa ng enerhiya. Mahalaga rin ito sa pagpapanatili ng balanseng electrolytes.
May mga taong gumagamit ng magnesium glycinate dahil umaasa silang makatutulong ito sa pagtulog, pagpaparelax at pagbawas ng pananakit o pamumulikat ng kalamnan. Gayunman, limitado pa ang ebidensiyang pang-agham upang masabing epektibo ito bilang gamot sa insomnia, anxiety o iba pang kondisyon sa lahat ng tao.
Sa kabila ng mga posibleng benepisyo, hindi dapat sobrahan ang pag-inom nito dahil maaaring magdulot ng mga side effect. Sa mga taong may sakit sa bato, may panganib na maipon ang sobrang magnesium sa katawan at magdulot ng malubhang komplikasyon.
Maaari ring makipag-interaksyon ang magnesium sa ilang gamot, kabilang ang ilang antibiotics at gamot para sa osteoporosis, kaya mahalagang ipagbigay-alam sa doktor kung may iniinom na supplement.
Ayon sa mga health expert, mas mainam na kunin ang magnesium mula sa balanse at masustansiyang pagkain, gaya ng madadahong gulay, mani, buto, legumes at whole grains. Ang paggamit ng supplement ay dapat nakabatay sa pangangailangan ng katawan at payo ng propesyonal sa kalusugan.
Paalala: Bago uminom ng magnesium glycinate, kumonsulta sa doktor o registered nutritionist o dietitian, lalo na kung may sakit sa bato, buntis, o may regular na iniinom na gamot. Huwag ituring ang supplement bilang kapalit ng tamang pagkain at medikal na paggamot.
