![]()
KINUWESTIYON ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang pagtapyas ng Kamara sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) sa 2027 national budget, kahit nahaharap ang bansa sa matinding epekto ng El Niño.
Sa isang panayam, binatikos ni Tiangco ang hakbang ng Kamara na ibaba ang NDRRMF o Calamity Fund sa ₱36.17 billion mula sa ₱45.67 billion, o katumbas ng ₱9.5 billion na kabawasan.
Sinabi ng kongresista na ginawa ng Kamara ang pagbawas sa pondo nang walang ibinibigay na paliwanag at hindi rin sila binigyan ng pagkakataon na magtanong sa period of interpellation.
Sinikap ni Tiangco na maibalik ang nabawas na pondo sa period of amendments, subalit lahat ng kanilang panukalang dagdag ay ibinasura ng Mababang Kapulungan.
Dahil sa nangyari, inihayag ni Tiangco na hindi niya naiwasang magduda, lalo pa’t walang transparency sa proseso ng pagpasa ng budget.
Idinagdag ng kongresista na ayaw ng liderato ng Kamara ng transparency dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin umuusad ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act sa Mababang Kapulungan.
Sa Senado, aprobado na sa ikatlo at huling pagbasa noon pang Dec. 2025, sa botong 17-0 without abstention, ang bersyon ng CADENA Act na inakda at inisponsoran ni Sen. Bam Aquino.
