![]()
Binalaan ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo ang mga power companies laban sa pagpapataw ng hindi makatarungang singil sa kuryente o pagbibigay ng substandard na serbisyo sa gitna ng matinding panahon tulad ng “Super El Niño.”
Ito ay matapos magpalabas ng babala ang Department of Energy (DOE) at iba’t ibang electric cooperatives ukol sa inaasahang pagtaas ng singil sa kuryente at mga rolling blackout.
Sinabi ni Tulfo na hindi siya magdadalawang-isip na imbestigahan ang mga power generation companies o distribution utilities na aabuso sa climate crisis na ito upang magpalaki ng kanilang kita.
Hinimok din ng senador ang DOE at ang Energy Regulatory Commission (ERC) na protektahan ang mga consumer hindi lamang laban sa mapagsamantalang pagpepresyo kundi maging sa nagbabadyaang pagtaas ng singil sa kuryente at mga pagbaba ng supply.
Binigyang-diin ni Tulfo na dapat may mabilisang pagpapatupad ng konkretong plano ang DOE at ERC para may sapat na suplay at may tamang pagpepresyo ng kuryente sa anumang panahon.
Bagama’t kinikilala ni Tulfo na inaprubahan ng Kamara ang pondong nakalaan para sa pagpapalawak ng sitio electrification sa ilalim ng 2027 General Appropriations Bill, binigyang-pansin niya na hindi ito magiging sapat kung hindi magtutulungan ang mga ahensya ng ehekutibo upang maibsan ang sitwasyon sa ground.
