![]()
Iginiit ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na pinatunayan ng Supreme Court ang kanilang paninindigan na may matibay na legal na batayan ang reorganisasyon ng Senado noong Hunyo 3.
Sinabi ni Lacson na noong una pa lang ay tiyak na sila na naaayon sa batas ang ang paghalal kay Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Presiding Officer noong June 3.
Ayon kay Lacson, may malinaw na mayorya ng 12 senador sa kanilang bloc nang isagawa ang reorganisasyon.
Paliwanag niya, hindi nila inihalal si Gatchalian bilang Senate President dahil malinaw sa Konstitusyon na kailangan ng hindi bababa sa 13 senador para makapaghalal ng bagong Senate President.
Ngunit, ayon sa senador, hindi nakasaad na kailangan din ng 13 boto para maalis o mapawalang-bisa ang posisyon ng nakaupong Senate President.
Ang pahayag ni Lacson ay kasunod ng pag-dismiss ng Supreme Court sa petisyong kumukuwestyon sa pagdaraos ng Senate session noong June 3, kung saan 12 senador ang nakapagtatag ng quorum at isinagawa ang reorganisasyon ng Senado.
Sa notice ng High Court, sinabi nitong hindi napatunayan ng mga petitioner na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Senado sa pagdaraos ng nasabing session.
Sinabi rin ng Korte na ang pagdaraos ng session ay lumalabas na alinsunod sa mga katotohanan, batas, at naaangkop na jurisprudence.
Matapos ang nasabing session, naging Senate President Pro Tempore at Acting Senate President si Gatchalian.
Noong June 17, nakuha ng kanyang bloc ang ika-13 boto at siyang nahalal bilang Senate President.
