dzme1530.ph

BAYAD SA PASSPORT PARA SA MGA OFW AT KARANIWANG PINOY, DAPAT MANATILING ABOT-KAYA

Loading

Iginiit ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na dapat manatiling abot-kaya ang bayad sa passport para sa mga OFW at karaniwang Pilipino.

Sa Senate hearing sa 2027 proposed budget ng Presidential Communications Office, tinanong ni Ejercito ang APO Production Unit, na nag-iimprenta ng mga passport, ukol sa panukalang itaas ang passport fee mula 900 pesos patungong 1,500 pesos.

Ayon sa APO, hindi na na-adjust ang presyo mula pa noong 2016, habang tumaas ang gastos sa raw materials at logistics.

Pero nilinaw ng ahensya na hindi fee increase ang hinihiling nito sa publiko, kundi subsidyang maisama sa budget ng Department of Foreign Affairs o DFA.

Binalaan naman ni Ejercito na malaki ang epekto ng pagtaas ng bayad sa mga OFW at mahihirap na Pilipino.

Iginiit niya na ayaw ng Senado na mahirapan ang mga Pilipino sa pagkuha ng passport, pero kailangang tiyakin na hindi mapuputol ang supply nito.

Sinabi ni Ejercito na pag-aaralan ng Senado ang pagbibigay ng subsidyang makatutulong upang mapanatiling abot-kaya ang passport at matiyak na may sapat na supply para sa mga Pilipinong mangangailangan nito.

About The Author