![]()
Tumagal lamang ng labing-anim na minuto ang pagtalakay sa panukalang 2027 budget ng Office of the President sa committee level sa Senado.
Walang pagtatanong mula sa mga senador at inaprubahan na for plenary deliberations ang hinihinging ₱10.15 billion na budget ng Malacañang.
Humarap sa Senate Finance Committee si Executive Secretary Ralph Recto kasama ang mga opisyal ng Office of the President at Presidential Management Staff.
Bago pa man ilahad ni Recto ang batayan ng hinihinging budget, nag-motion na si Senate President Sherwin Gatchalian na aprubahan na ang budget ng Office of the President, na sinigundahan nina Senators Joel Villanueva at Kiko Pangilinan, kaya agad nang inaprubahan ni Sen. JV Ejercito na chairman ng Finance Committee.
Nanindigan ang mga senador na ito ay pagrespeto sa kanilang co-equal branch at respeto rin kay Recto na naging kapwa nila senador at itinuturing pa nilang mentor sa Senado.
Nagpasalamat naman si Recto na nagpaliwanag na ang budget request ng OP para sa susunod na taon ay 64 percent na mas mababa kumpara ngayong taon.
Mas malaki ngayong taon dahil ikinarga sa Office of the President ang budget para sa idaraos sa Nobyembre na ASEAN Summit.
Ipinagmalaki ni Recto na nabigyan ang Office of the President ng Commission on Audit ng unmodified opinion, na pagkilala sa maayos na paggasta ng pondo.
Sa panayam, sinabi ni Recto na nakapaloob sa kanilang panukalang budget ang nasa ₱4.5 billion na confidential and intelligence funds na hindi man natanong sa committee hearing, gayunman, maaari naman anyang busisiin ito sa plenary deliberations.
