![]()
Pinuri ni Sen. Bam Aquino ang mga batang Pinoy karatekas na nagbigay ng karangalan sa bansa sa ginanap na 3rd Asian Karate Youth Open Championship and Training Camp sa Hangzhou, China simula July 22 hanggang 26.
Kinilala sa Senate Resolution No. 580 ni Aquino ang kahanga-hangang performance ng delegasyon ng Pilipinas mula sa Flight Alliance Sports Team-International Shotokan Karate Federation (FAST-ISKF) at Alfonso Karatedo Kobudo (AAKR) laban sa mga kapwa martial artist mula sa iba’t ibang bahagi ng Asya.
Kabilang sa kinilala ang siyam na taong gulang na si Romeo Viktor Enriquez ng FAST-ISKF na nangibabaw sa Under-10 Male Kumite (+40 kg) category, na nakakuha ng gintong medalya at nagtapos sa Top 5 ng Under-10 Male Kata category sa kanyang unang international competition.
Kinilala rin sina Raphael Mariano Herrera, Ripley Tate Borromeo, Ellis Sebastian Canoza, at Colin Isaiah Paolo na sinanay ni National Team Coach at dating Karate Pilipinas National Team Captain Engene Stoner Dagohoy.
Binigyang-diin ni Aquino na nakatutulong ang karate sa paghubog ng disiplina, tiyaga, pagpapakumbaba, katatagan, at tiwala sa sarili ng mga kabataang Pilipino, habang binibigyan ng pagkakataong magtagumpay sa international events.
