![]()
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na dalawang Filipino seafarers ang nasawi nang tamaan ng “unknown projectiles” ang Saudi Arabia-flagged oil tanker habang patawid sa Strait of Hormuz.
Inihayag ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na labing-anim na Pinoy seafarers ang lulan ng tanker “SIDR” nang mangyari ang pag-atake.
Aniya, labing-apat na tripulanteng Pinoy ang nakaligtas nang dumaong ang tanker sa Oman.
Gayunman, sinabi ni Cacdac na sa kasamang palad ay dalawang tripulante ang nasawi nang magkaroon ng sunog sa barko bilang resulta ng pag-atake.
Naibaba na aniya mula sa barko ang labi ng dalawang biktima habang inaayos na ang repatriation ng mga survivor.
Nangangalap pa ang ahensya ng mga detalye, subalit nakahanda na ang pakikipagpulong nila sa mga pamilya ng mga biktima para sa ipagkakaloob na tulong.
