dzme1530.ph

ATTY. MICHAEL POA, INILARAWANG ABOGADONG WALANG ALAM NG PROSEKUSYON SA IMPEACHMENT TRIAL LABAN KAY VP SARA DUTERTE; DIPENSA, UMALMA

Loading

MISTULANG harapan ng mga tagapagsalita ng prosecution at defense panels sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ang pagsisimula ng ika-21 araw ng pagdinig.
 
Ito ay pagsalang ngayon ni Atty. Michael Poa ng defense panel sa witness stand bilang hostile witness habang si Atty. Benjamin Tolosa ang nanguna sa direct examination sa kanya.
 
Si Poa, batay sa deskripsyon ni Tolosa ay isa sa pinagkakatiwalaan ni VP Sara na nagsilbi bilang chief of staff, officer in charge sa finance at procurement division ng Department of Education at tagapagsalita at legal counsel ng defense team.
 
Sa kanyang offer, inilarawan ni Tolosa na abogadong walang alam si Poa dahil sa naunang pahayag nito na wala siyang partisipasyon sa paggamit ng confidential fund ng Department of Education.
 
Ito ay iginiit ni Tolosa batay sa testimonya ni Poa sa Kamara noon kung saan sinabi niyang sina VP Sara at dating Special Disbursing Officer Edward Fajarda ang nakakaalam sa paggamit ng confidential fund.
 
Inalmahan naman ni Atty. Shiela Sison ng defense panel, ang paggamit ni Tolosa ng abogadong walang alam para sa deskripsyon kay Poa.
 
Sa ruling, ipinag-utos ni Impeachment Court Presiding Officer Francis Chiz Escudero na alisin sa record ang mga salitang abogadong walang alam.
 
Ipinaliwanag ni Tolosa na mahalaga ang testimonya ni Poa dahil sa kabila ng pagsasabing wala siyang alam sa mga transaksyon ay siya ang inatasan ni VP Sara na sumagot sa Audit Observation Memorandum ng Commission on Audit.

About The Author