dzme1530.ph

GRADE 8 NA ESTUDYANTE SA RIZAL, SUGATAN MATAPOS UMANONG HATAWIN NG ARNIS NG GURO

Loading

Sugatan ang isang lalaking Grade 8 student matapos umanong paluin ng arnis stick sa ilong ng kanyang guro sa San Mateo National High School sa Rizal.
 
Ayon sa ama ng biktima, nagpaalam ang kanyang anak sa guro na lumabas ng paaralan, pasado ala sais ng gabi dahil naka-schedule itong tumugtog sa isang prayer meeting.
 
Aniya, nagalit ang teacher nang ipilit ng kanyang anak na umalis at pinalo ito ng stick na ginagamit sa arnis.
 
Nalaman ng ama na hindi isolated case ang insidente dahil, inamin sa kanya ng anak na ilang beses na itong hinataw ng arnis ng naturang guro, pati na sa ulo.
 
Ipinaliwanag ng mag-aaral na pinili niyang manahimik at huwag nang magsumbong sa magulang dahil ayaw na niyang makadagdag pa sa problema.
 
Ini-report ng pamilya ang insidente sa barangay at nakaharap na rin nila ang teacher at school principal.
 
Inilipat umano ang biktima sa ibang section habang humingi na ng paumanhin ang guro sa estudyante at sa pamilya nito, sa harap ng pamunuan ng paaralan.

About The Author