![]()
NILINAW ni Impeachment Court Presiding Officer Francis Chiz Escudero na walang suot na earpiece ang hostile witness na si Lemuel Ortonio.
Sa pagsisimula ng 20th day ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Escudero na AI-generated content ang naglabasang larawan ni Ortonio na may suot na earpiece.
Binanggit ni Escudero na hindi nila papayagan sa Impeachment Court na magkaroon ng anumang hearing device para sa testigo.
Ipinaalala ni Escudero na anumang testimonya ng testigo ay dapat magmula sa sarili niyang kaalaman.
Ngayong araw, dalawang military officers ang ihaharap ng prosekusyon bilang testigo kaugnay sa alegasyon ng maling paggamit ng confidential fund ni VP Sara.
Una nang nakasalang ngayon sa witness stand si Army Col. Manaros Boransing at kung kakayanin ng oras ay sasalang din si Army Col. Magtanggol Panopio.
Magbibigay linaw ang dalawang sundalo sa mga military certifications na ginamit ng Department of Education sa pagpapaliwanag sa paggastos ng natanggap na confidential funds noong kalihim pa ng ahensya ang Bise Presidente.
