dzme1530.ph

PATULOY NA PAG-ANTALA SA PANUKALANG MAKATUTULONG PARA MABANTAYANG MABUTI ANG NATIONAL BUDGET, KINUWESYON

Loading

Sa gitna ng matinding pagbaha sa Central Luzon at NCR, kinuwestyon ni Senador Bam Aquino ang administrasyon sa patuloy na pag-delay sa panukalang makatutulong upang mabantayan nang maigi ang pambansang pondo at maiwasang maulit ang flood control scandal.
 
Kinuwestyon ni Aquino si Department of Economy, Planning, and Development o DEPDev Secretary Arsenio Balisacan kung bakit naibaba sa mga priority bills ang proposed Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability o CADENA Act, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Bill.
 
Ayon kay Aquino, mula pangatlo noong 2025, ang CADENA Act ay nasa pang-41 na lamang sa prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.
 
Ipinaliwanag ni Balisacan na nagpasya ang Malacañang at liderato ng Kongreso na iklian ang listahan at unahin ang mga mahahalagang panukalang batas na madaling maipasa sa loob ng 12 buwan.
 
Hindi naman ito tinanggap ni Aquino, sa pagsasabing pasado na ang CADENA Act sa Senado at nakapasa na rin ito sa committee level sa Kamara.
 
Inaatasan ng panukala ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na i-upload at panatilihin ang detalyadong mga dokumento kaugnay ng budget — kabilang ang mga kontrata, gastusin sa proyekto, bills of materials, at procurement records — sa isang digital budget platform.
 
Dinisenyo anya ang sistemang ito upang matiyak na ang lahat ng file ay bukas sa publiko, hindi madaling pakialaman, nasusubaybayan, at maaaring ma-beripika.
 
Ang mga opisyal ng gobyerno na mabibigong magsumite ng mga kinakailangang dokumento o mag-upload ng pekeng impormasyon ay haharap sa administratibo at kriminal na parusa.
 
Ayon pa sa senador, dapat ay pinakinggan ng LEDAC ang boses ng iba’t ibang sektor na sumusuporta sa panukala at nagnanais na maipasa ito sa lalong madaling panahon.
 
Nababahala, aniya, na bigla itong nawala sa prayoridad ng Palasyo kahit patuloy pa ring isyu ang katiwalian sa mga flood control projects.

About The Author