![]()
BOTOLAN, Zambales – Sumadsad at tuluyang lumubog ang isang “Tugboat” sa Bucao River sa Barangay Bangan sa bayan ng Botolan, Zambales, ngayong Lunes, Agosto 24, habang isinasagawa ang emergency salvage operations.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) Zambales, lubog na lubog ang nasabing sasakyang-dagat sa gitna ng pagsisikap ng mga awtoridad na ito ay maiangat mula sa pagkakasadsad nito.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng PCG matapos matanggap ang ulat tungkol sa insidente.
Nagsagawa sila ng paunang imbestigasyon at nakipag-ugnayan para sa salvage operations upang maiwasan ang anumang posibleng panganib sa lugar, lalo na ang posibleng pagtagas ng langis o iba pang mapanganib na materyales mula sa lumubog na barko.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang sanhi ng pagkakasadsad ng tugboat at kung mayroong nasaktan o naapektuhan sa insidente.
Patuloy na binabantayan ng PCG ang kalagayan ng barko at ang posibleng epekto nito sa kapaligiran, gayundin ang kaligtasan ng mga residente sa nasabing lugar.
Hinikayat ng PCG ang publiko na manatiling kalmado at makipagtulungan sa mga awtoridad habang isinasagawa ang imbestigasyon at patuloy na salvage operations.
Ang Philippine Coast Guard Zambales ay patuloy na magbibigay ng mga update tungkol sa estado ng tugboat at iba pang detalye kaugnay ng insidente.
