dzme1530.ph

DALAWANG ESTUDYANTE KASAMA ANG SHOOTER, PATAY SA SHOOTING INCIDENT SA ATENEO DE ZAMBOANGA

Loading

Dalawang estudyante ang nasawi sa napaulat na shooting incident sa isang pribadong unibersidad sa Zamboanga City.
 
Ayon kay Zamboanga City Mayor Khymer Olaso, kasama sa nasawi ang Grade 7 student na sinasabing siya mismo ang shooter.
 
Sinabi ni Olaso na batay sa inisyal na impormasyon, nakapasok sa Ateneo de Zamboanga University ang shooter na may bitbit na caliber .45 pistol.
 
Isinalaysay ng alkalde na batay sa nakita nilang video footages, unang pinaputukan ng suspek ang isang guro na nakaupo sa lamesa subalit hindi tinamaan.
 
Lumipat ito ng kabilang room at saka pinaputukan ang estudyante na agad na namatay.
 
May dalawa pa anyang nasugatan sa insidente bago naman nagbaril sa sarili ang shooter.
 
Kinumpirma rin ng alkalde na may body-worn camera ang shooter at naka-livestream ang kanyang ginawa.

About The Author