dzme1530.ph

BAYARIN SA SYSTEM LOSS SA KURYENTE, HINDI LUBUSANG MATATANGGAL

Loading

POSIBLENG hindi lubusang matanggal sa bayarin sa kuryente ang ipinapatong na system loss ng mga distribution utilities.
 
Sa pagdinig ng Senado sa mga panukalang alisin sa bayarin ng mga consumer ang system loss, ipinaliwanag ni Energy Regulatory Commission Chairman Saturnino Juan na dalawa ang system loss sa kuryente na tumutukoy sa technical at non-technical losses.
 
Sinabi ni Juan na maaaring pagbawalan ang mga distribution utilities na ipasa sa consumers ang non-technical losses na tumutukoy sa halaga ng nawawalang kuryente dahil sa pagnanakaw o jumper at madayang metro.
 
Sa ngayon ay nasa one percent ito ng performance ng distribution utilities kaya’t hindi nila ikalulugi kung hindi na ito ipapasa pa sa consumers.
 
Gayunman, dapat anyang magkaroon ng adjustment sa buwis para sa gastusin ng mga distribution utilities.
 
Samantala, sinabi ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo na may maiiwanan pa ring technical losses o ang halaga ng nawawalang kuryente habang dumadaloy sa mga kable at transformers, subalit tanong ay kung bakit consumers ang dapat magbayad.
 
Ipinaliwanag ni Department of Energy Undersecretary Riolita Innocencio na kailangang amyendahan ang Anti-Pilferage Law para maging mas madali sa mga distribution utilities, electric cooperatives, at law enforcers na matukoy at makasuhan ang mga magnanakaw ng kuryente.
 
Sa panig naman ng Meralco, sinabi ni Atty. Ray Espinosa, board director ng kumpanya, na maaaring may kakayahan sila na bawasan ang ipinapasang non-technical system loss, subalit hiniling na payagan silang mabawi ang gastos para masawata ang non-technical losses.

About The Author