![]()
INIHAIN ni Senador Erwin Tulfo ang dalawang panukala at isang resolusyon kaugnay sa hakbanging maibaba ang singil sa kuryente matapos ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos na alisin na ang system loss sa electricity bill.
Isinusulong ni Tulfo ang Senate Resolution No. 537 upang imbestigahan ang polisiya sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA Law), partikular ang pagpapasa ng system loss charges sa mga consumer.
Magkasabay ding inihain ng senador ang Senate Bill No. 2239, o ang panukalang naglalayong ipawalang-bisa ang Batas Pambansa Blg. 36 o Energy Tax Law, at ang Senate Bill No. 2340, o panukalang naglalayong alisin ang system loss charge sa saklaw ng VAT.
Kinumpirma rin ng chairman ng Senate Committee on Energy na bukas ay magsasagawa sila ng pagdinig sa mga panukalang amyendahan ang EPIRA Law at iba pang panukala kaugnay sa energy sector.
Ito ay pagpapatuloy sa nauna nilang hearing noong nakaraang linggo, kasabay ng pangakong paiigtingin nila ang proseso ng mga amyenda, at nakikita niyang may posibilidad na maaprubahan ang mga ito bago matapos ang taon.
