![]()
UMARANGKADA na ang Day 10 ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, simula kaninang alas-10 ng umaga.
Ito ay sa pamamagitan ng pagsisimula ng House Prosecution Panel sa pagtalakay sa Article 1 ng impeachment case na may kinalaman sa paggamit ng confidential funds.
Bago naman magsagawa ng opening statement si Prosecution panel member Leila de Lima, pinaalalahanan siya ni Presiding Officer Chiz Escudero na huwag maghayag ng conclusions of fact and law.
Sa kanyang opening statement, ipinaalala ni de Lima na ang paglalaan ng budget ay napakahalagang bagay sa pamilya man o sa gobyerno at ang confidential fund ay para sa mga sensitive at surveillance activities.
Gayunman, aniya, hindi maaaring gamitin ang isyu ng confidentiality bilang dahilan upang maging exempted sa demand for scrutiny o maging dahilan para mag-imbento ng mga pangalan.
Sa mga paunang imbestigasyon, lumitaw umano na nakagawa ang Bise Presidente ng culpable violation of the Constitution, graft, at betrayal of public trust sa paggamit ng P612.5 million na confidential fund ng OVP at DepEd.
Aniya, hindi ito simpleng clerical error lamang kundi pag-abuso sa kapangyarihan.
Pinutol naman ni Escudero si de Lima makaraang katigan ang objection ni Defense Counsel Atty. Michael Poa dahil nagbibigay na umano siya ng conclusions of fact and law.
Ipinag-utos din ni Escudero na tanggalin sa record ang mga konklusyong nabanggit ni de Lima.
