![]()
Ang Bartholin cyst ay nabubuo kapag nabarahan ang isa sa mga Bartholin glands, mga maliliit na gland na matatagpuan sa magkabilang bahagi ng bukana ng puwerta at gumagawa ng likidong tumutulong sa pagpapadulas.
Kapag nabarahan ang daanan ng gland, maaaring maipon ang likido at mabuo ang isang cyst.
Sa ilang kababaihan, wala itong idinudulot na sintomas.
Subalit kung lumaki o maimpeksiyon ang cyst, maaari itong magdulot ng masakit na bukol, pamamaga, pamumula, hirap sa pag-upo o paglalakad, at kirot habang nakikipagtalik.
Ayon sa mga doktor, kung maging impeksiyon ang Bartholin cyst, maaari itong maging abscess, kung saan naiipon ang nana at mas lumalala ang sakit.
Sa ganitong kalagayan, mahalagang magpatingin agad sa doktor para sa angkop na gamutan.
Maaaring irekomenda ang pagbababad sa maligamgam na tubig o sitz bath sa mga maliliit at hindi impeksiyong cyst.
Subalit kung malaki, masakit, o paulit-ulit ang pagbalik nito, maaaring kailanganin ang paglabas ng naiipong likido o iba pang pamamaraang medikal.
Pinapayuhan ang mga babae na huwag pisilin o tusukin ang bukol dahil maaari itong magpalala ng impeksiyon.
Kung may pamamaga, matinding kirot, lagnat, o paulit-ulit na paglitaw ng Bartholin cyst, makabubuting magpakonsulta sa isang obstetrician-gynecologist para sa tamang pagsusuri at lunas.
