![]()
Humihirit ang transport groups ng dalawang pisong dagdag-pasahe sa jeep habang ikinokonsidera ang pagsasagawa ng nationwide strike, sa gitna ng pagsirit muli ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa pagitan ng US at Iran.
Binigyang-diin ni Manibela Chairperson Mar Valbuena na hindi sapat ang pisong fare increase.
Paliwanag ni Valbuena, dalawang piso sana ang aprubahang dagdag-pasahe dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nababawi ang mga nawala nilang kita noong Marso.
Aniya, kung hindi sana binawi noon ang pisong fare increase, ay sapat na sana ang isang pisong dagdag-pasahe ngayon.
Inihayag naman ni ACTO President Libay de Luna na piso o dalawang pisong increase sa pasahe ay malaking tulong na sa kanila, at kung may ibibigay pang ayuda ang gobyerno ay sana’y matanggap ito ng lahat.
Nagbabala rin sina Valbuena at De Luna na maglulunsad sila ng transport strike kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
