![]()
Galing umano sa isang nagpakilalang na-bully na estudyante ang bantang pag-atake sa isang paaralan sa Batangas, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa press briefing, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Allen Rae Co, na natanggap ang banta sa pamamagitan ng social media page ng paaralan kagabi, dahilan upang suspendihin ng pamunuan ang klase ngayong Lunes.
Ayon kay Co, sinabi ng nagbanta na babarilin o sasaksakin nito ang lahat ng Grade 7, Grade 8, Grade 9, at Grade 10 students.
Nagpakilala umano itong Grade 10 student na, bagama’t hindi kilala ng mga mag-aaral, ay nagsabing siya ay nakaranas ng pambu-bully.
Idinagdag ni Co na iniimbestigahan na ng PNP Anti-Cybercrime Group ang naturang mensahe.
Nasa Department of Education (DepEd) na rin aniya ang pagpapasya kung hanggang kailan mananatiling suspendido ang klase kasunod ng naturang banta.
