dzme1530.ph

Sen. Villar, nagpuyos sa galit

Kalat ngayon sa social media ang video kung saan makikitang nagpupuyos sa galit si Sen. Cynthia Villar laban sa isang guwardiya at boss nito dahil ayaw nilang tanggalin ang barikada sa isang kalsada sa Las Piñas City.

Iginigiit ng Senadora na alisin ang mga metal fence na inilatag doon at nagbabawal sa pagpasok sa isang easement o right of way na kalaunan ay naging parking space na.

Ayon sa guwardiya at opisyal, pribadong pag-aari ang daanan, tiyempo namang nahagip ng video na dumampi ang kamay ng senadora sa kamay ng guwardiya habang galit na inuutusan nito na alisin ang harang.

Hiniling ng opisyal sa senadora na huwag sanang saktan ang kanilang tauhan ngunit iginiit ng mambabatas na hindi niya sinaktan ang guwardiya.

“Bakit, kaya ko bang saktan ‘yan? Ano ‘yan, bakla?” wika ni Sen. Villar.

Ang dahilan kung bakit nagpupuyos sa galit si Villar, ay dahil ang lugar ay bahagi ng proyektong ipinatayo ng mga Villar at pinasinayaan noong 2021.

“Ako nagtanggal ng lahat ng squatter dito… hindi ko nga ito napakinabangan eh…ngayon ikaw na ang nakikinabang.” -Sen. Villar.

About The Author