![]()
PINATITIYAK ni Senador Christopher Bong Go sa mga ahensya ng gobyerno at mga sports organization na kumpletong imbestigasyon ang isasagawa sa pagkamatay ng dalawang basketball players ng Ateneo Blue Eagles.
Iginiit ni Go na dapat lumabas ang tunay at buong pangyayari sa insidente ng pagkalunod nina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Marami anya ang katanungan na kailangang sagutin upang malaman ang buong katotohanan.
Kinikilala naman ng senador ang inisyatibo ng Philippine Sports Commission na magsagawa ng agarang pagpupulong hinggil sa naturang insidente.
Ipinaalala ng mambabatas na mahalaga ang kaligtasan sa lahat ng training ng ating mga atleta at kabataang sports enthusiasts.
Anuman anya ang maging resulta ng imbestigasyon, mahalaga na magbunga ito ng mahahalagang aral upang maiwasan na maulit ang ganitong trahedya.
Kung kinakailangan anya ng batas o polisiya para maiwasan ito, handa siyang tugunan at isulong ito sa Senado.
