![]()
Ang carpal tunnel syndrome ay kondisyon na karaniwang nararanasan ng mga taong madalas gumamit ng computer, cellphone, at iba pang gawain na paulit-ulit ang galaw ng kamay at pulso.
Ang carpal tunnel syndrome ay nangyayari kapag naiipit ang median nerve sa loob ng carpal tunnel sa may pulso.
Dahil dito, nakararanas ang pasyente ng pamamanhid, pangangalay, pangangawit, at minsa’y pananakit sa kamay at mga daliri, lalo na sa hinlalaki, at hintuturo.
Ayon sa mga doktor, kadalasang nararamdaman ang mga sintomas sa gabi o habang natutulog, at maaaring lumala kung hindi ito mabibigyan ng tamang pahinga at gamutan.
Ilan sa mga pangunahing sanhi ng kondisyon ay ang matagal na pagta-type, paggamit ng mouse, paghawak ng cellphone, at iba pang repeated hand movements.
Maaari rin itong maiugnay sa iba pang kondisyon tulad ng diabetes at arthritis.
Upang maiwasan ang carpal tunnel syndrome, ipinapayo na magpahinga ng ilang minuto sa bawat oras ng pagtatrabaho, mag-stretch ng mga kamay, at panatilihin ang tamang posisyon ng pulso habang nagtatrabaho.
Sa mga banayad na kaso, maaaring gamutin ito sa pamamagitan ng pagsuot ng wrist splint, pag-inom ng pain relievers, at physical therapy.
Ngunit sa mas malubhang kalagayan, maaaring kailanganin ang operasyon upang maibsan ang pressure sa nerve.
Ipinapaalala na hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga unang sintomas ng kondisyon.
Ang agarang pagkilos at tamang ergonomics ay makakatulong upang maiwasan ang paglala ng sakit at mapanatili ang kalusugan ng mga kamay.
