![]()
Ang “balisawsaw” na urinary tract infection sa medical term at maaaring magdulot ng hindi komportableng pakiramdam at posibleng komplikasyon kung hindi agad magagamot.
Ang balisawsaw ay karaniwang nararanasan bilang madalas na pag-ihi na may kasamang hapdi o kirot.
Ayon sa mga doktor, ito ay sanhi ng impeksyon sa anumang bahagi ng urinary system—kabilang ang pantog, ureter, at mga bato.
Ilan sa mga karaniwang sintomas ng UTI ay ang pakiramdam na laging naiihi kahit kaunti lamang ang lumalabas, malabo o mabahong ihi, at sa ilang kaso ay may halong dugo ang ihi.
Maaari rin itong may kasamang lagnat at pananakit ng ibabang bahagi ng tiyan.
Ipinapaliwanag ng mga eksperto na mas madalas tamaan ng balisawsaw ang mga kababaihan dahil sa istruktura ng kanilang urinary tract.
Gayunman, maaari rin itong maranasan ng mga lalaki at bata.
Upang maiwasan ang kondisyon, ipinapayo ang pag-inom ng sapat na tubig, iwasan ang pagpipigil ng ihi, at panatilihing malinis ang sarili.
Mahalaga rin ang tamang hygiene, lalo na sa mga kababaihan.
Sa usapin naman ng gamutan, karaniwang inirereseta ng mga doktor ang antibiotics sa mga pasyente na may UTI upang mapatay ang mga bakterya na sanhi ng impeksyon.
Binibigyang-diin na huwag mag-self medicate at tiyaking tapusin ang gamutan batay sa reseta ng doktor.
Ipinapaalala rin na kapag pinabayaan, ang balisawsaw ay maaaring umabot sa mga bato at magdulot ng mas malubhang impeksyon tulad ng kidney infection.
