dzme1530.ph

Mas maraming testigo sa kaso ng mga pagpatay sa Negros Oriental, inaasahan sa pagdinig ng Senado

Inaasahan ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs chairman Ronald Bato Dela Rosa na may mga testigong lulutang sa senado kaugnay ng nangyaring serye ng patayan sa Negros Oriental.

Ayon kay dela Rosa, maliban sa kaso ng pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, tatalakayin sa kanilang pagdinig sa April 17 ang iba pang kaso ng pagpatay sa probinsya partikular ang mga may kinalaman sa mga opisyal ng gobyerno.

Sinabi ng senador na marami ang nagkalakas loob na lumutang at tumestigo sa senado upang magbahagi ng impormasyon sa serye ng pamamaslang sa lalawigan.

Hindi naman matiyak ng mambabatas kung ilan ang darating na testigo sa imbestigasyon sa senado.

Gayunpaman, sa mismong kaso ng pamamaslang kay Degamo ay wala pa naman aniyang bagong testigo na haharap sa gagawin nilang senate inquiry. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author