![]()
One to sawa.
Ganito inilarawan ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang magiging schedule ng kanilang pagtalakay sa panukalang 2026 national budget sa plenaryo ng Senado.
Sinabi ni Gatchalian na nakatakda niyang isponsoran sa plenaryo ng Senado ang proposed 2026 national budget sa Nobyembre 12, at susundan agad ng deliberasyon kinabukasan.
Taliwas sa nakagawian, hindi magsasagawa ng umaga at hapon na sesyon ang mga senador para sa pagtalakay sa panukalang budget.
Bagkus, itatakda nila ang deliberasyon mula Lunes hanggang Biyernes na sisimulan ng ala-una ng hapon kada araw at walang limitasyon kung hanggang anong oras matatapos sa gabi.
Pag-uusapan naman ng mga senador ang magiging schedule nila sa Nobyembre 14 dahil posibleng itakda rin ang pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga anomalya sa flood control projects.
