![]()
Tatlong senador na lang ang hindi pa nagbibigay ng permiso sa Senate Secretary upang isapubliko ang inihain nilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ito ay sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, at Sen. Imee Marcos.
Kahapon, kabuuang 21 senador na ang naglabas ng kanilang SALN kung saan may pinakamataas na net worth si Senador Mark Villar na umabot sa ₱1.26 bilyon at walang naitalang liabilities.
Isinapubliko na rin ni Sen. Camille Villar ang kanyang SALN kung saan idineklara niya ang net worth na umaabot sa ₱362 milyon at wala ring naitalang liabilities.
Idineklara naman ni Senador Jinggoy Estrada ang kanyang net worth sa SALN na nasa ₱221.22 milyon, habang si Senador Rodante Marcoleta ay may ₱51.96 milyon, at ₱32.43 milyon naman ang kay Senador Bong Go.
Naging kapuna-puna naman ang deklarasyon ni Senador Raffy Tulfo ng 21 iba’t ibang sasakyan, kabilang na ang dalawang Cadillac, Lexus, Mercedes-Benz, Land Cruiser, at Sequoia.
Idineklara rin nito sa SALN na umaabot sa ₱243 milyon ang halaga ng kanyang mga damit, accessories, alahas, at mga relo.
