Magdamag na inulan ang Metro Manila at malaking bahagi ng bansa dahil sa dalawang Low-Pressure Area (LPA) at Northeast Monsoon o Hanging Amihan.
Sa update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang isang LPA sa layong 110 Kilometers West Southwest ng Catbalogan City, Samar.
Samantala, namataan ang isa pang LPA sa South West ng Palawan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Malabong maging bagyo ang dalawang LPA sa susunod na dalawampu’t apat na oras.
Gayunman, magdadala pa rin ito ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Eastern Visayas, Bicol Region, Quezon, at Southern Portion ng Palawan kabilang ang Kalayaan Islands.
Mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan din ang mararanasan sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, nalalabing bahagi ng MIMAROPA, at nalalabing bahagi ng Visayas.
Samantala, dahil sa amihan ay maulap na papawirin na may pag-ulan din ang mararanasan sa Metro Manila, Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, at CALABARZON.