![]()
PINUNA ni Senador Imee Marcos na masyadong mabagal ang disaster response ng gobyerno matapos ang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Kaya naman muling iginiit ni Marcos ang pangangailangang gawin nang National Resiliency and Disaster Management Authority ang National Disaster Risk Reduction and Management Council upang mapabilis at mapag-isa ang pagtugon sa mga kalamidad.
Sinabi ni Marcos na inihain na niya ang Senate Bill 746 para sa paglikha ng NRDMA kung saan minamandato ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa damage assessment tulad ng lidar drones, structural xray o concrete scanning, satellite technology at mas maayos na mga sistema ng komunikasyon.
Bukod dito, nanawagan si Marcos na iupdate ang building code ng bansa dahil hindi na sapat ang kasalukuyang mga pamantayan sa harap ng mga malalakas na lindol at bagyo.
Iminungkahi rin niya ang mas mahigpit na building standards sa mga coastal at high-risk areas, gayundin ang pagtatalaga ng resiliency officer sa bawat local government unit upang higit na mapalakas ang disaster preparedness at response.
Binigyang-diin ng senador na hindi na dapat hintayin pa ang susunod na kalamidad at kailangang isulong na ang resiliency development buong taon.
