Iginiit ni Sen. Alan Peter Cayetano ang pangangailangang ibalik ang pondo para sa rehabilitasyon ng mga paaralan para sa programang Basic Education Facilities ng Department of Education (DepEd).
Tinukoy ng senador na mahalaga ang pagbibigay ng maayos at ligtas na pasilidad para sa milyon-milyong mag-aaral at batay sa UNESCO ito’y mahalaga dahil may epekto ito sa enrollment, attendance, completion rates at learning achievements.
Binigyang-diin ni Cayetano na ang pagtapyas sa pondo para sa rehabilitasyon at pagsasaayos ng mga paaralan ng DepEd ay maglilimita sa kakayahan ng gobyerno na tugunan ang siksikan ng mga silid-aralan at makapagbigay ng ligtas at epektibong mga lugar para sa pag-aaral ng mga estudyante.
Sa kabila ng pangangailangan para sa agarang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga paaralan ay binawasan pa ng P2-B ang P6.132-B na pondo para sa school building repairs sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program.
Nangako naman si Sen. Pia Cayetano na sisikapin na maibalik ang P2 billion na ibinawas na pondo para sa school repairs. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News