![]()
BAGO ang pagpapatuloy ng pagsalang ng hostile witness na si Lemuel Ortonio sa Impeachment Court, naglabas na ng ruling si Impeachment Court Presiding Officer Francis Chiz Escudero kaugnay sa mga sinasabing paglabag sa subjudice rule.
Sa kanyang ruling, pinaalalahanan ni Escudero ang senator-judges na tiyakin ang pagiging impartial at politically neutral habang nagpapatuloy impeachment trial.
Ipinaalala ng presiding officer na nanumpa sila na magiging impartial justices alinsunod sa konstitusyon at mga batas.
Hindi rin anya dapat mag-engage ang mga senator judges sa anumang aktibidad na makakaapekto sa subjudice rule.
Nilinaw naman ni Escudero na hindi pinipigilan ang pag-exercise ng mga senator judges ng kanilang awtoridad na kwestiyunun ang prosekusyon o depensa, pero dapat gawin ito sa loob ng korte, sa loob ng proceedings at hindi sa pamamagitan ng mga komentaryo sa social media.
Samantala, tiniyak ni Escudero na mahigpit nilang ipatutupad sa impeachment trial ang Rule 18 o ang subjudice rule upang maiwasan ang trial by publicity sa paglilitis.
Kaugnay nito, muling binigyang-diin ni Escudero ang prosekusyon at depensa ang nauna niyang suhestiyon na magtalaga ng ibang spokesperson na hindi kasama sa mga abogadong humaharap o kabilang sa impeachment trial.
Ayon kay Escudero, kung pananatilihin ng magkabilang panig ang kanilang mga kasalukuyang spokesperson, na bahagi ng roster ng kanilang mga abogado, ay magiging applicable sa kanila ang Rule 18 o ang subjudice rule.
Binigyang-diin ng presiding officer na ang mga miyembro ng prosecution at defense teams na lalabag sa subjudice rule ay mahaharap sa contempt, habang ang mga senator-judges ay maaaring masampahan ng ethics complaint.
Maaari rin anyang iakyat sa Korte Suprema ang isyu para sa karampatang parusa sa sinumang lalabag.
