Umusad na sa House Committee on Ethics ang reklamong inihain nina BHW Party-List Rep. Natasha Co at Rep. Stella Luz Quimbo ng Marikina City laban kay Cong. Wilbert Lee ng AGRI Party-List.
Ito’y kaugnay sa inasal umano ng mambabatas habang tinatalakay sa plenaryo ang proposed 2025 budget ng Department of Health.
Sinabi ni Committee Chairman Felimon Espares ng COOP NATCO Party-List, ito ang unang kaso ngayong 19th Congress na ang nagrereklamo at ang inirereklamo ay parehong kongresista.
Paliwanag pa ni Espares, pag-acquire pa lang ng jurisdiction ang pakay ng unang hearing kaya sa ikatlong linggo ng Nobyembre ay isasagawa ng komite ang initial review ng reklamo.
Inamin ni Espares na umaasa siya na magkakasundo ang dalawang partido at mauwi na lamang ito sa amicable settlement upang hindi na gumawa ng hatol ang komite. —sa panulat ni Ed Sarto