![]()
Nagpadala ng eroplano at mga barko ang Philippine Coast Guard (PCG) para komprontahin ang Chinese research vessel na Tan Suo Yi Hao dahil sa umano’y pagsasagawa nito ng marine scientific research nang walang pahintulot sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, malapit sa Hubo Reef sa West Philippine Sea.
Ayon sa PCG, pumasok ang barko sa Philippine EEZ noong Oktubre 9 at namataan sa paligid ng Hubo Reef noong Oktubre 11. Hindi rin umano sinagot ng Chinese vessel ang paulit-ulit na radio challenge ng PCG aircraft.
Kinumpirma naman ng Department of Foreign Affairs na walang natanggap na kahilingan mula sa China para magsagawa ng marine scientific research ang barko sa nasabing lugar.
Iniutos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang pagpapadala ng mga barko upang direktang komprontahin ang Chinese vessel at pigilan ang umano’y ilegal na aktibidad nito.
Ayon kay Gavan, bahagi ito ng sunod-sunod na insidente na kinasasangkutan ng mga Chinese research vessel at fishing vessel sa iba’t ibang bahagi ng karagatang sakop ng Pilipinas.
Iginiit ng PCG na sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS, kailangan ang pahintulot ng pamahalaan ng Pilipinas para sa marine scientific research sa loob ng Philippine EEZ.
