dzme1530.ph

P1.1-M reward, inialok sa makapagtuturo sa pumatay sa graduating student sa Cavite

Umabot na sa mahigit P1-M ang pabuya para sa makapagtuturo sa pumatay kay Queen Leanne Daguinsin, graduating student, na pinasok at sinaksak ng 14 na beses sa loob ng kaniyang dorm sa Dasmariñas, Cavite.

Ayon sa ulat, mula sa P600K itinaas na sa P1.1-M ang alok na reward sa sinumang makatutulong sa mga awtoridad na matunton ang suspek sa krimen na kinilala ni PNP Chief Rodolfo Azurin, Jr na si Angelito Erlano.

Batay sa kuha ng CCTV, umakyat sa rooftop ng isang establisyimento si Erlano upang makapasok sa dormitory building ni Daguinsin.

Nagdulot naman ng takot sa iba pang estudyanteng nanunuluyan sa lugar ang insidente.

Dahil dito, umapela si P/COL. Christopher Olazo, Cavite Police Director sa publiko na makipag-ugnayan sa pinaka malapit na police station o tumawag sa 0998-598-5587 or 0998-967-33-50 kung sakaling may impormasyong makatutulong sa kaso.

About The Author