![]()
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na palakasin ang seguridad sa transport terminals at ihanda ang emergency assistance para sa mga stranded na pasahero sa Undas.
Sa harap ito ng inaasahang pag-uwi ng milyon-milyong Pilipino sa mga probinsya para bisitahin ang puntod ng mga yumaong mahal sa buhay.
Inihayag ni Executive Secretary Ralph Recto na kabilang sa direktiba ng Pangulo ang pagde-deploy ng karagdagang pulis at K-9 units sa major transport hubs, tiyaking sapat ang public transportation, at pag-aralan ang posibilidad ng random drug testing para sa mga driver ng public utility vehicles.
Ayon kay Recto, ang proposed drug testing ay dapat alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon, na ang layunin ay maiwasan ang mga aksidente sa kalsada at protektahan ang mga pasahero.
Inatasan ng Executive Secretary ang Department of Transportation, Department of Social Welfare and Development, Department of the Interior and Local Government, at iba pang concerned agencies na paghandaan ang inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa mga paliparan, pantalan, at terminals sa Luzon, Visayas, at Mindanao.