![]()
NANINDIGAN si NBI Director Melvin Matibag na nakagawa ng betrayal of public trust si Vice President Sara Duterte nang aminin umano nito sa publiko na may nakausap na siyang assassin laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ginawa ni Matibag ang pahayag sa cross-examination ng defense panel sa ikasiyam na araw ng impeachment trial laban kay VP Sara.
Hiniling naman ni defense counsel Mark Vinluan na alisin sa record ang pahayag ni Matibag dahil, aniya, naglalaman ito ng conclusions of fact and law. Gayunman, hindi ito pinagbigyan ni Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero.
Ang sagot ni Matibag ay tugon sa tanong ni Vinluan kung maghahain pa ba sila ng hiwalay na impeachment complaint sa sandaling matapos ang imbestigasyon ng NBI sa umano’y banta ni VP Sara laban sa Pangulo.
Ipinaliwanag ng NBI director na hindi na nila kailangang imbestigahan pa ang usapin ng betrayal of public trust kahit matukoy pa nila ang taong nakausap umano ng Bise Presidente.
Ayon kay Matibag, consummated na umano ang betrayal of public trust nang aminin mismo ni VP Sara ang naturang pahayag.
Samantala, binigyang-diin din ni Matibag na may limitasyon ang freedom of expression ng isang opisyal o sinumang indibidwal.
Ito ay matapos siyang tanungin ni Vinluan kung hindi ba saklaw ng freedom of expression ang naging pahayag ni Davao City Mayor Baste Duterte sa isang rally sa Davao City, kung saan sinabi nitong isang ulo lamang ang kailangan nila at ito ay ang ulo ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Matibag, nagtatapos ang freedom of expression ng isang tao kapag lumalabag na ito sa batas.
Hindi na rin nagsagawa ng re-direct examination ang prosecution team dahil kuntento na umano sila sa naging testimonya ni Matibag.
