![]()
Kinuwestyon ng tatlong malalaking transport groups ang desisyon ng ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila na muli nang ipatupad ang No Contact Apprehension Policy o NCAP.
Ito ay dahil mayroon pa anilang nakapending na Motion for Reconsideration kaugnay sa implementasyon ng polisiya.
Partikular na umalma ang mga transport leaders na sina Boy Vargas ng ALTODAP; Obet Martin ng PASANG MASDA at Liberty De Luna ng ACTO sa muling pagpapatupad ng NCAP sa mga lungsod ng Maynila, Quezon, Parañaque, Muntinlupa at San Juan.
Iginiit ng mga transport leaders na dapat hintayin muna ng mga LGU ang final decision ng Korte Suprema kaugnay sa legalidad ng NCAP.
Ang tatlong transport groups kasama ang dalawang iba ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa NCAP noong 2022 dahil paglabag umano ito sa due process.
Ang mga probisyon din anila sa NCAP ay maituturing na unreasonable lalo na sa mga public utility vehicle operators.
Matatandaang noong Hunyo, ibinasura ng Supreme Court ang petisyon, subalit naghain ng Motion for Reconsideration ang tatlong transport groups noong August 5.
