dzme1530.ph

MARIKINA REP. MARCY TEODORO, NAGHAIN NG PANUKALA PARA ALISIIN ANG SYSTEM LOSS SA ELECTRIC BILL

Loading

Naghain si Marikina City 1st District Rep. Marcy Teodoro ng panukalang batas na nagbabawal sa mga power distribution utility at electric cooperatives na singilin sa consumers ang system loss charges.
 
Ito’y bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itigil ang paniningil sa mga consumer ng kuryenteng hindi naman nakararating sa kanilang mga tahanan.
 
Layunin ng House Bill No. 10461, o ang Electricity Consumers’ System Loss Relief Act of 2026, na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), gayundin ang Anti-Electricity Pilferage Act, at ang National Internal Revenue Code, upang alisin ang system loss charges sa mga bayarin sa kuryente ng mga consumer at hindi na ito patawan ng value-added tax (VAT).
 
Sinabi ni Teodoro na dalawang beses nagbabayad ang consumers para sa kuryenteng hindi nila natatanggap, sa pamamagitan ng system loss charges at 12% value-added tax.
 
Sa ilalim ng panukala, aamyendahan ang mga umiiral na batas upang pagbawalan ang mga distribution utility at electric cooperatives na singilin ng system loss ang mga consumer, obligahin ang mga ito na sagutin ang naturang pagkalugi bilang bahagi ng kanilang operational expenses habang tumatalima sa efficiency standards na itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC), at alisin ang 12% VAT sa kuryenteng hindi naman naihatid sa mga customer.
 
Paliwanag ni Teodoro, balanse ang panukala dahil pinangangalagaan nito ang kapakanan ng mga consumer habang tinitiyak din ang katatagang pinansyal ng mga power distributor at electric cooperatives, na maaari pa ring mabawi ang nawala sa system loss sa pamamagitan ng regulated rate-setting process ng ERC.

About The Author