![]()
Natural na bahagi ng paglilitis at hindi dapat pinepersonal ang mainitang pagtatalo ng mga abogado sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang binigyang-diin ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol matapos ang mainitang sagutan nina Atty. Benjamin Tolosa Jr. ng prosekusyon at ni Atty. Shiela Sison ng dipensa.
Sa gitna ito ng pagsalang bilang hostile witness ng prosekusyon ni defense counsel and spokesperson Atty. Michael Poa na nakipagtalo rin kay Tolosa.
Ipinaliwanag ni Tongol na sa pagtatalo na umani ng sari-saring reaksyon sa social media ay natural sa korte ang inilarawan ni Senator at Presiding Officer Chiz Escudero na tagisan ng talino sa impeachment trial.
Natural anyang may mga argumentong hindi napapaboran o mga objection na overruled at meron ding napagbibigyan.
Sa argumentong hindi napagbigyan, hindi anya ito personalin dahil hindi lahat ng argumento ay maipapanalo.
Kapag natatalo, babawi na lang sa ibang argumento o pagtatanong.
Iginiit pa ni Tongol na nakita namang patas si Escudero dahil wala aniyang personalidad na tinitingnan ang Impeachment Court.
Ibinabatay aniya lagi ni Escudero ang pasya sa Rules of Evidence at Rules on Decorum.
