![]()
SAN MARCELINO, Zambales — Isang bahay ang lubusang nasira matapos tamaan ng rumaragasang tubig baha kasunod ng pagbigay ng dike at patuloy na pag-ulan dulot ng southwest monsoon o habagat sa Barangay Sta. Fe ngayong Biyernes.
Sa video na kuha ng mga awtoridad, makikitang tinangay ng malakas na agos ng tubig ang bahagi ng istraktura ng bahay, na nagdulot ng malaking pinsala sa ari-arian ng pamilyang nakatira rito.
Ayon sa ulat, agad namang nailikas sa ligtas na lugar ang mga miyembro ng pamilyang apektado bago pa man tuluyang gumuho ang kanilang tahanan. Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig baha, kasalukuyang pinasok na rin ng tubig ang barangay hall at ilang iba pang gusali at establisyimento sa nasabing lugar.
Patuloy naman ang monitoring ni Hon. Mayor Elvis Ragadio Soria kasama ang mga katuwang na ahensya gaya ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa kasalukuyang kalagayan ng Barangay Sta. Fe.
Muli ring pinaalalahanan ni Mayor Soria ang lahat ng residente na unahin ang kanilang kaligtasan at agad lumikas sa mas mataas na lugar kung kinakailangan upang maiwasan ang anumang sakuna.
Samantala, ipinagpaliban ng pamahalaang lokal ng San Marcelino ang nakatakdang paghahatid ng relief packs sa Barangay Sta. Fe ngayong araw dahil sa masamang panahon at mapanganib na kondisyon sa lugar. Ayon sa lokal na pamahalaan, ipagpapatuloy ang pamamahagi ng tulong sa sandaling bumuti na ang panahon at ligtas na ang mga daan.
Patuloy na nakabantay ang mga awtoridad sa sitwasyon at hinihikayat ang publiko na manatiling kalmado at makinig sa mga anunsyo mula sa pamahalaan.
