dzme1530.ph

MGA LOKAL NA PAMAHALAAN, HINIMOK NA MAGLAGAY NG LIBRENG HYDRATION STATIONS KONTRA SUPER EL NIÑO

Loading

HINIMOK ni Senator Risa Hontiveros ang mga local government unit na makipagtulungan sa national government sa paglalagay ng mga hydration station na magbibigay ng libreng malinis na inuming tubig sa publiko, bilang paghahanda sa mga panganib sa kalusugan na dulot ng inaasahang Super El niño.
 
Ayon kay Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, dapat magkaroon ng mga libreng drinking water station sa mga lugar kung saan nagtatrabaho at nagtitipon ang maraming Pilipino upang maiwasan ang dehydration at heat stroke.
 
Iginiit ng senador na hindi sapat ang simpleng pag-uulat ng heat index at kailangang tiyakin ng pamahalaan na may ligtas na mapagpapahingahan at malinis na inuming tubig ang publiko.
 
Iminungkahi niyang maglagay ng mga drinking fountain at water refilling station sa mga palengke, terminal at iba pang matataong lugar upang magkaroon ng libreng access sa tubig ang mga mamamayan.
 
Inirekomenda rin ni Hontiveros na gawing cooling shelter ang mga kasalukuyang pampublikong pasilidad gaya ng mga paaralan, aklatan, museo at community center tuwing matindi ang init ng panahon.
 
Hinikayat din niya ang mga mall at iba pang pribadong establisimyento na maglaan ng komportable at naka-air condition na mga pampublikong lugar kung saan maaaring magpahinga at magpalamig ang mga tao nang hindi kinakailangang bumili.
 
Ayon kay hontiveros, may panahon pa upang maihanda at mabuksan ang mga pasilidad na ito alinsunod sa pangangailangan ng bawat komunidad.
 
Kung may mga evacuation center at suspensiyon ng trabaho at klase tuwing may bagyo, kailangan din anyang magkaroon ng katumbas na paghahanda para sa matinding init ng panahon.

About The Author