![]()
IGINIIT ng House Prosecution Team sa impeachment kay Vice President Sara Duterte na mahigit P190 milyon ang laman ng mga bank accounts ni Vice President Sara Duterte at mister nitong si Atty. Manases “Mans” Carpio na hindi idineklara sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Sa presentasyon ng argumento ng prosekusyon, sinabi ni Private Prosecutor Atty. James Ibrahim Ali, ilalabas ng mga kinatawan ng Land Bank of the Philippines, Asia United Bank (AUB), Philippine Savings Bank (PSBank), Metrobank, Security Bank, Bank of the Philippine Islands (BPI), Philippine National Bank (PNB), at Banco de Oro (BDO) ang mga bank accounts ng mag-asawa.
Layunin nitong kumpirmahin at patotohanan ang mga record ng bank account ng mag-asawa na isinumite alinsunod sa subpoena ng Impeachment Court.
Batay sa inilatag na mga rekord, mahigit P59 milyon ang kabuuang balanse ng mga account noong 2022, P71 milyon noong 2023, P22 milyon noong 2024, at P35 milyon sa pagtatapos ng 2025.
Iginiit ng prosekusyon na hindi kayang burahin ng paulit-ulit na pagtutol ng depensa ang mga numerong nakasaad sa mga rekord ng bangko.
Hinamon din niya ang kampo ni Duterte na harapin ang mga dokumento at ipaliwanag ang anumang hindi pagkakatugma sa mga deklarasyon ng Bise Presidente.
Bahagi ang pagharap ng mga testigo mula sa walong bangko sa pagsisikap ng prosekusyon na patunayan ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban kay Duterte sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment.
